-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Perci Cendaña na posibleng magkaroon ng epekto sa impeachment case ni Sara Duterte ang anumang pagbabago sa liderato ng Senado.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cendaña na mahalagang usapin ang magiging komposisyon ng Senado dahil ang mga senador din ang magsisilbing senator-judges kapag tuluyang nag-convene ang impeachment court.

Ayon pa sa mambabatas, kapansin-pansin umano na may ilang opisyal na matagal na hindi dumadalo sa mga sesyon ngunit bigla na lamang naging aktibo kaugnay ng usapin ng impeachment.

Giit ni Cendaña, hindi dapat manaig ang politika o personal na relasyon sa pagdedesisyon ng mga senador, lalo na sa usapin ng pananagutan ng mga opisyal na inaakusahang nag-abuso sa pondo ng bayan.

Nanawagan din siya sa mga senador na gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad at ibatay ang kanilang magiging boto sa ebidensya at sa itinatadhana ng Konstitusyon, hindi sa personal na ugnayan sa pamilya Duterte.

Dagdag pa niya, mahalagang hindi na maulit ang mga pagkukulang ng nakaraang 19th Congress, partikular ang umano’y pagkaantala sa pagtugon sa mga obligasyong konstitusyonal kaugnay ng impeachment proceedings.