-- ADVERTISEMENT --

Humihirit ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na payagan siyang hindi na personal na dumalo sa pagdinig na itinakda sa Abril 22, 2026 sa The Hague.

Sa halip, hiniling ng kanyang mga abogado na sila na lamang ang humarap sa ICC Appeals Chamber, kung saan tatalakayin ang apela ng depensa tungkol sa hurisdiksyon ng ICC sa kanyang kaso.

Kapansin-pansin, walang ibinigay na konkretong paliwanag ang kampo ni Duterte kung bakit nais niyang laktawan ang naturang pagdinig.

Mahigit isang taon nang nakakulong si Duterte sa The Hague habang hinaharap ang kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang madugong kampanya kontra ilegal na droga noong siya ang pangulo mula 2016 hanggang 2022.

Matatandaan na nauna nang ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber ang argumento ng kanyang depensa na wala nang kapangyarihan ang ICC matapos umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019. Ayon sa ICC, nananatili ang hurisdiksyon nito sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang bansa.

Sa darating na pagdinig, inaasahang magpapasya ang Appeals Chamber kung tatanggapin ang apela ng kampo ni Duterte—isang hakbang na maaaring maging kritikal sa direksyon ng kaso.

Nauna nang ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber ang pagtutol ng kampo ni Duterte na wala nang hurisdiksyon ang korte matapos umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.

Giit naman ng ICC, may kapangyarihan pa rin ito sa mga kasong nangyari noong kasapi pa ang bansa sa tribunal.

Inaasahan na magdedesisyon ang Appeals Chamber sa apela ng kampo ni Duterte sa nakatakdang pagdinig.