Tiniyak ng International Criminal Court na magiging patas, independiyente, at walang kinikilingan ang pagdinig sa kasong kinahaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng crimes against humanity.
Ayon kay Oriane Maillet, nabigyan na ng sapat na panahon ang kampo ng depensa upang makapaghanda para sa mga susunod na pagdinig. Binigyang-diin din niya na mas magiging malawak at mas matagal ang proseso ng ICC kumpara sa mga paglilitis sa loob ng bansa, dahil sa bigat ng mga paratang at dami ng ebidensyang kailangang suriin.
Ipinaliwanag ng ICC na ang ganitong uri ng kaso ay nangangailangan ng masusing presentasyon ng ebidensya at haharap sa iba’t ibang hamon habang umuusad ang pagdinig.
Matatandaang noong Abril 23, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber ang mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte.
Nakatakda namang isagawa sa Mayo 27 ang status conference sa ilalim ng Trial Chamber III, kung saan tatalakayin ang daloy ng paglilitis.
Ayon pa sa ICC, ipauubaya sa mga trial judges ang pagtatakda ng iskedyul para sa pormal na pagsisimula ng pagdinig, batay sa mga isusumiteng dokumento at kahilingan ng magkabilang panig.
Inaasahan ding magiging bukas sa publiko ang proseso, at maaari itong mapanood nang live online bilang bahagi ng transparency ng korte.













