Pinayagan ng International Criminal Court si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dumalo sa unang status conference kaugnay ng kanyang kasong crimes against humanity na nakatakdang idaos sa Mayo 27.
Ito ay matapos ipabatid ng legal team ni Duterte sa tribunal na nais ng dating pangulo na i-waive ang kanyang karapatang personal na humarap sa naturang pagdinig.
Sa pitong pahinang kautusan na inilabas noong Mayo 22, pinagbigyan ng ICC Trial Chamber III ang kahilingan ng depensa na payagang lumiban si Duterte sa status conference sa The Hague.
Ayon sa korte, ikinatwiran ng defense panel na ang obligasyong personal na humarap ang akusado ay pangunahing naaangkop lamang sa mismong trial proper at hindi sa mga preliminary proceedings tulad ng status conference.
Bagama’t pinaboran ng tribunal ang kahilingan, inatasan nito ang mga abogado ni Duterte na magsumite ng written waiver na pirmado mismo ng dating pangulo bago sumapit ang Mayo 25.
Samantala, hindi naman pinagbigyan ng ICC ang hiling ni Gilbert Andres na makalahok sa status conference sa pamamagitan ng remote participation.
Paliwanag ng tribunal, mayroon namang pisikal na dadalong miyembro mula sa kampo ng mga biktima, habang limitado rin umano ang secure remote connection para sa mga sensitibong bahagi ng pagdinig, kabilang ang mga private sessions.













