-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni Atty. Jimmy Bondoc na pangunahing layunin ng kampo ni Sen. Ronald dela Rosa na mapigilan ang anumang hakbang na maaaring humantong sa sitwasyong katulad ng sinapit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Bondoc, kinikilala nilang may umiiral na arrest warrant mula sa ICC laban kay Dela Rosa, ngunit iginiit niyang hindi ito maaaring basta ipatupad sa Pilipinas nang hindi dumaraan sa naaayong legal na proseso.

Dahil dito, sinabi niyang isinailalim sa protective custody ng Senado ang senador upang maiwasan ang agarang pagsisilbi ng warrant habang kinakaharap pa ang mga legal na usapin kaugnay nito.

Binigyang-diin din ng abogado na nais nilang maiwasan ang posibilidad na madala sa ibang bansa si Dela Rosa, gaya ng nangyari kay Duterte noong Marso 11, 2025, nang maaresto ito sa Ninoy Aquino International Airport at kalauna’y dalhin sa The Hague sa ilalim ng kustodiya ng ICC.

Nagbabala pa si Bondoc na kapag naipatupad agad ang warrant at mailabas ng bansa ang senador, maaari umanong mawalan ng praktikal na remedyo sakaling pumanig sa kanila ang Korte Suprema sa mga susunod na pagdinig.