-- ADVERTISEMENT --

Mariing kinondena ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang naganap na pamamaril at iba pang insidente ng karahasan sa lungsod kasabay ng nagpapatuloy na makasaysayang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Matabalao, iginiit ng alkalde na hindi kailanman pinahihintulutan sa Cotabato City ang anumang uri ng karahasan, lalo na ngayong isinasagawa ang halalan.

Dahil dito, tiniyak ni Matabalao na dapat managot ang mga nasa likod ng mga insidente upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at mapanatili ang kaayusan sa lungsod.

Kasabay nito, sinabi ng alkalde na patuloy ang kanilang monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matiyak ang seguridad ng mga botante, election personnel at iba pang residente habang nagpapatuloy ang halalan.

Nanawagan din si Matabalao na sana ay hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga nasasawi at nasusugatan hanggang sa matapos ang halalan, at hinimok ang lahat na manatiling kalmado at makipagtulungan sa mga awtoridad.