-- ADVERTISEMENT --

COTABATO CITY – Mariing kinondena ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang mga insidente ng putukan, harassment at kaguluhan na naitala bago ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.

Ayon kay Matabalao, nakalulungkot na may mga nasawi at nasugatan sa mga insidenteng naganap kasabay ng makasaysayang halalan sa Bangsamoro.

Gayunman, sinabi ng alkalde na bagama’t seryoso ang mga nangyari, itinuturing niyang isolated incidents ang mga ito at hindi dapat balewalain ang anumang ulat ng karahasan.

Iginiit ni Matabalao na hindi siya nagtago at hindi siya nagpatinag sa kabila ng mga ulat ng putukan. Bilang alkalde, nanatili umano siyang nakabantay at may close coordination sa PNP, DILG, COMELEC at iba pang concerned agencies para sa seguridad at kaayusan ng lungsod.

Nakaboto na rin si Matabalao at sinabi niyang naging matiwasay naman ang sitwasyon sa kanyang presinto, bagama’t may ilang technical issues na naranasan.

Nanawagan ang alkalde sa mga taga-Cotabato City na lumabas at i-exercise ang kanilang right to suffrage, sa kabila ng mga pangyayaring nagdulot ng pangamba sa ilang residente.

Umaasa si Matabalao na hindi na madagdagan ang mga insidente ng karahasan hanggang sa matapos ang halalan at mabigyan ng hustisya ang mga nasawi at nasugatan.

Nanindigan din siya na dapat mapanagot ang mga responsable sa mga insidente, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

“The truth will come out,” ayon kay Matabalao, habang umaasang maresolba ang mga insidente at mapanagot ang mga gumawa ng kaguluhan.