Sugatan ang apat na indibidwal matapos ang nangyaring pamamaril sa loob ng Central Pilot Elementary School sa Sinsuat Avenue, Poblacion 6, Cotabato City, dakong alas-6:45 ng umaga ngayong Setyembre 14, 2026.
Kabilang sa mga biktima ang isang personnel ng Philippine National Police na nagtamo ng tama ng bala sa paa. Hindi muna inilabas ang kanyang pagkakakilanlan.
Tatlo pang indibidwal ang nasugatan, ngunit patuloy pa ang beripikasyon ng kanilang pagkakakilanlan at posibleng affiliation.
Batay sa paunang impormasyon, ilang putok ang pinakawalan ng hindi pa nakikilalang armadong suspek o mga suspek sa loob mismo ng paaralan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Quick Reaction Force at isinara at siniguro ang lugar.
Dinala sa Cotabato Regional and Medical Center ang mga nasugatan para sa agarang medical attention.
Nagsagawa rin ng pursuit at interdiction operations ang mga awtoridad para sa posibleng pagkakadakip sa suspek o mga suspek.
Samantala, hindi pa matukoy ang motibo sa pamamaril. Patuloy ang imbestigasyon at intelligence validation ng mga awtoridad upang matukoy ang mga suspek at ang buong pangyayari sa insidente.
Ang Central Pilot Elementary School ay matatagpuan sa tapat mismo ng Police Station 1 sa Cotabato City.













