-- ADVERTISEMENT --

Nagpaalala ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice sa publiko tungkol sa iligal na pagbebenta ng lamang loob.

Sa isang online post, nagbabala ang ahensya sa mga panganib na kaakibat ng ganitong gawain. Pinag-iingat nila ang taumbayan laban sa panlilinlang, pamimilit, at pang-aabuso na nagtutulak sa mga tao na ibenta ang kanilang mga organ, na kilala bilang “organ trafficking trap.”

Ayon sa IACAT, maaaring magmukhang madaling solusyon sa simula ang alok na pera, ngunit kapalit nito ay matinding panganib sa kalusugan. Maaari pa itong humantong sa malubhang komplikasyon o maging sa pagkamatay ng isang indibidwal na papatol sa ganitong alok.

Dahil dito, mariing pinaalalahanan ng DOJ at IACAT ang publiko na huwag tanggapin ang ganitong mga alok, sapagkat walang halagang makakatumbas sa kaligtasan at buhay ng tao.

Hinikayat din nila ang publiko na agad i-report ang mga ganitong kaso sa “1343 Actionline against Human Trafficking” kung sakaling may makasalamuha o malaman na ganitong gawain.