-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pamamahagi ng ₱8 bilyong pondo sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa upang matulungan ang mga lokal na pamahalaan na harapin ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, nagsimula ang rollout ng programang “Bawat Barangay Makikinabang” noong Marso 24 nang walang pormal na anunsyo.

Sa ilalim ng programa, bawat barangay ay tatanggap ng ₱200,000 na maaaring gamitin sa mga proyektong pang-edukasyon, panlipunan, at pangkabuhayan.

Sa unang batch, nasa 5,000 barangay na ang nakatanggap ng pondo. Kabilang sa pinakahuling nabigyan ang mga barangay sa Pilar, Bataan, kung saan personal na dumalo ang Pangulo sa distribusyon.

Batay sa guidelines ng programa, maaaring gamitin ang kalahati ng pondo o ₱100,000 para sa mga proyektong pangkaligtasan at imprastraktura gaya ng street lights, patrol vehicles, CCTV, at mga generator para sa health at evacuation centers.

Samantala, ang natitirang ₱100,000 ay ilalaan sa tinatawag na “finisher program” para sa mga estudyanteng nasa huling taon ng kolehiyo upang matiyak na makapagtatapos sila sa kabila ng epekto ng krisis. Tinatayang nasa 200,000 magtatapos na estudyante ang makikinabang dito.

Ipinaliwanag ni Recto na layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga barangay bilang frontliners sa komunidad at tiyaking handa silang tumugon agad sa mga suliranin.

Upang mapabilis ang pamamahagi, nakipag-ugnayan ang Tanggapan ng Pangulo sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas para sa mobilisasyon at monitoring ng paggamit ng pondo.

Pamumunuan naman ng Department of the Interior and Local Government ang implementasyon ng programa upang matiyak na nasusunod ang mga alituntunin sa pagbadyet, accounting, at auditing.