Magpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte habang wala pang inilalabas na temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court kaugnay ng mga petisyong kumukuwestiyon sa proseso ng paglilitis.
Ayon kay Senate President Win Gatchalian, nananatiling may mandato ang impeachment court na ituloy ang mga pagdinig hangga’t walang kautusan mula sa Korte Suprema na pumipigil dito.
Kung sakaling hindi dumalo ang defense panel sa mga susunod na pagdinig, sinabi ni Gatchalian na maaari pa ring ipagpatuloy ng impeachment court ang proceedings basta may quorum ng mga senator-judge.
Anya, nasa defense panel ang desisyon kung dadalo o hindi sa mga pagdinig.
Samantala, sinabi rin ni Gatchalian na wala siyang nalalamang plano mula sa mga senator-judge na hindi dadalo o lalahok sa mga susunod na proceedings, kabilang ang botohan. Patuloy din aniya ang pagdalo ng mga miyembro ng minority sa mga aktibidad ng Senado.
Sa usapin naman kung kinakailangang aktuwal na dumalo at makilahok ang mga senator-judge upang maging kuwalipikado ang kanilang boto, sinabi ng Senate President na susundin ng impeachment court ang sarili nitong naging ruling sa naturang usapin.
Kung maglalabas naman ng bagong ruling ang Supreme Court tungkol sa mga nakabinbing petition, sinabi ni Gatchalian na saka ito tatalakayin at haharapin ng impeachment court kapag mayroon nang aktuwal na desisyon.
Sa ngayon, nananatili ang posisyon ng impeachment court na ipagpatuloy ang paglilitis habang wala pang kautusan mula sa Supreme Court na nag-uutos na ihinto ito.













