-- ADVERTISEMENT --

Inanunsyo ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes Jr. na hanggang Marso 31, 2026 na lamang ang operasyon ng kanilang opisina.

Ayon kay Reyes, na-turnover na nila sa Office of the Ombudsman ang lahat ng mga dokumento na may kinalaman sa kanilang imbestigasyon hinggil sa mga anomalya sa flood control projects. Naipasa na rin nila ang kanilang 125-Day Report sa Office of the President noong Pebrero 26, 2026.

Dagdag pa niya, nakagawa na sila ng mga pamamaraan na maaaring ipatupad ng iba pang mga ahensya na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto. Kasama na rito ang siyam na referrals na kanilang isinampa, na sumasakop sa 65 indibidwal, sa Office of the Ombudsman.

Bukod dito, itinaguyod din nila ang pagbuo ng Technical Working Group for Asset Recovery, kung saan tinipon ang 20 ahensiya na magsasagawa ng mga hakbang ukol sa mga hindi tamang proyekto.

Nagbigay din ng pahayag si Reyes na siya ay kuntento sa mga nagawa nilang imbestigasyon at sa mga hakbang na naipatupad upang matugunan ang mga isyu ng katiwalian.