-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Jeryll Harold Respicio ang kahandaan niyang sumailalim sa neuropsychological testing kasunod ng mga puna at usapin tungkol sa kaniyang asal sa mga sesyon ng Sangguniang Bayan.

Sinabi ni Respicio na mas nararapat umanong ituon ang pansin sa mga isyung may kinalaman sa pamamahala, partikular sa mga kuwestiyonableng paggamit ng pondo at mga proyektong hindi umano natapos sa kanilang bayan.

Ayon sa bise alkalde, nais niyang mabigyang-linaw ang mga dokumento at ebidensiyang hinihingi sa kaniya nina Isabela Governor Rodito Albano, DILG Secretary Jonvic Remulla, at PCO Undersecretary Claire Castro. Giit niya, dapat ding masusing suriin ang mga alegasyong kaniyang inilalantad sa halip na manatili ang usapin sa kaniyang personalidad.

Isa sa mga pangunahing ipinaglalaban ni Respicio ang kapakanan ng mga magsasaka ng tabako, gayundin ang imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa paggasta ng pondo at mga proyektong hindi naisakatuparan sa Reina Mercedes.

Inangkin din niyang nasa tanggapan ng alkalde ang ilang dokumentong kailangan niyang masuri, ngunit hindi umano ipinagkakaloob sa kaniya ang mga ito. Sinabi rin niyang walang dumalo sa itinakdang pagdinig ng komite kahit may mga personalidad at kinatawan ng mga tanggapan na ipinatawag sa pamamagitan ng subpoena.

Dahil sa mga naturang pangyayari, nanawagan si Respicio sa mga kinauukulan sa lokal at pambansang pamahalaan na tulungan siyang maisampa ang mga kaukulang reklamo at matiyak na magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa mga alegasyon.

Binigyang-diin ng bise alkalde na handa niyang harapin maging ang posibilidad ng suspensiyon sa kaniyang puwesto, kung makatutulong ito upang mabigyang-linaw ang mga isyu at maibigay ang nararapat na ayuda sa mga magsasaka ng tabako.

Sa huli, iginiit ni Respicio na ang kaniyang pangunahing layunin ay matukoy ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon at matiyak ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. Gayunman, ang mga naturang alegasyon ay nangangailangan pa rin ng kaukulang beripikasyon at imbestigasyon.