Nakahanda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang panukalang emergency powers kaugnay sa fuel excise tax kapag naisumite na ng Kongreso ang committee report ukol dito. Ayon sa Pangulo, hindi magiging makatarungan na ideklarang urgent ang panukala hangga’t hindi pa tapos ang ulat ng komite, dahil ang pagpapabilis ng proseso ay magsisimula lamang sa plenary debates.
Ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na kapag idineklara bilang urgent ang isang panukala, maaari nitong paikliin ang pagitan ng pag-uulat ng komite at ang pagtalakay sa plenaryo. May posibilidad din na dumiretso agad ito sa ikatlong pagbasa kung kinakailangan.
Dagdag pa ng Pangulo, simple lamang ang hinihingi ng Malacañang. Ang panukala ay magbibigay kay Pangulong Marcos ng kapangyarihan na suspendihin ang excise tax sa langis kung ang presyo nito ay lalampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan sa average.
Nilinaw ni Pangulong Marcos na hindi awtomatikong gagamitin ang emergency powers na ito. Magiging opsyon lamang ito na magagamit kung kinakailangan, upang tugunan ang matinding epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga mamamayan.
Kahapon, inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang substitute bill na magbibigay kay Pangulong Marcos ng kapangyarihan upang suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo, isang hakbang na inaasahang makapagpapagaan sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mga Pilipino.













