Dalawang taon na binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng aktor na si Niño Muhlach matapos ang insidenteng kinasangkutan nito sa Antipolo City noong nakaraang buwan.
Batay sa imbestigasyon ng LTO, labis na pagod umano ang aktor nang mangyari ang aksidente, dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa minamanehong sasakyan.
Sa insidente, tatlong establisimyento ang tinamaan ng sasakyan bago nito nabangga ang isang rider ng motorsiklo.
Bukod sa dalawang taong revocation ng kanyang lisensya, inilagay rin sa alarm status ang sasakyan ni Muhlach. Layunin nitong maipatupad ang kaukulang multa at mapigilan ang anumang transaksyong may kaugnayan sa sasakyan habang umiiral ang naturang status.
Nauna nang inamin ni Muhlach na nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa matinding pagod, na nauwi sa aksidenteng nagdulot ng pinsala sa ilang establisimyento at isang motor rider.













