Iginiit ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na mas nararapat na sa Supreme Court unang malinawan ang usapin sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa oral arguments, sinabi ni Cayetano na hindi niya tinututulan ang pagtalakay sa constitutional issue, ngunit kinukuwestiyon niya ang timing ng pagresolba rito ngayong nagpapatuloy na ang paglilitis.
Ayon kay Cayetano, mas mainam sanang napag-usapan ang usapin bago pa maaprubahan ng Senado ang mga tuntunin ng impeachment trial upang magkaroon ng pagkakataon ang mga panig na dalhin ang constitutional question sa Supreme Court.
Binigyang-diin din niya na maaaring kuwestiyunin sa Supreme Court ang magiging resulta ng impeachment proceedings. Dahil dito, sinabi niyang kailangang tiyakin ng impeachment court na hindi magkakaroon ng kawalan o paglampas sa hurisdiksyon, o grave abuse of discretion, sa pagresolba sa voting threshold.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang posibilidad na magbago ang bilang ng mga aktibong lumalahok na senador habang nagpapatuloy ang trial. Aniya, hindi dapat maging batayan ng constitutional threshold ang pabago-bagong bilang ng mga senador na dumadalo sa proceedings.
Gayunman, sinabi ni Cayetano na lalahok siya sa oral arguments tungkol sa threshold, habang nirereserba niya ang kanyang posisyon sa magiging botohan ng impeachment court.
Ang usapin ay may kaugnayan sa naunang ruling na 16 boto ang kailangan para sa conviction, batay sa dalawang-katlong bahagi ng 24 na miyembro ng Senado.













