-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya kaugnay ng umano’y flood control scandal. Noong Huwebes, personal siyang dumalo sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa kanyang kasong plunder na isinasagawa ng Department of Justice (DOJ).

Ayon sa kanyang kampo, kinukuwestiyon nila ang batayan ng reklamong plunder lalo na’t ang ilan sa kanyang mga dating co-respondent—sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at mga dating DPWH engineer na sina Henry Alcantara at Gerard Opulencia—ay naabsuwelto sa pananagutan matapos tanggapin bilang mga state witness.

Dahil dito, si Revilla na lamang, kasama ang mga tinukoy na John at Jane Does, ang natitirang respondent sa kaso.

Iginiit din ng kanyang tagapagsalita na may mga hindi tugma sa mga pahayag ni Bernardo, partikular sa mga detalye tulad ng mga petsa, halaga ng perang umano’y ibinigay, at dami ng deliveries na sinasabing naipasa sa dating senador.