-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard kaugnay ng paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3, kung saan umabot na sa 33 ang kumpirmadong nasawi matapos marekober ang apat pang bangkay noong Enero 30 sa karagatan ng Hadji Muhtamad, Basilan. Sampung pasahero ang nananatiling nawawala.

Sinusuri rin ng mga awtoridad ang posibilidad na mas marami ang aktuwal na sakay ng barko kaysa sa nakasaad sa passenger manifest.

Samantala, siyam sa 11 bangkay na narekober noong Enero 29 ay nakilala na ng kanilang mga kaanak, kabilang ang isang senior citizen at isang anim na taong gulang na bata mula Zamboanga City at Sulu.

Matatandaang lumubog ang barko noong Enero 26 habang patungong Jolo, Sulu mula Zamboanga City, kung saan mahigit 300 pasahero ang nailigtas.

Kaugnay ng insidente, iniutos ng Department of Transportation ang pansamantalang pagpapahinto sa mga barko ng Aleson Shipping Lines habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.