KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon ang dalawang suspek matapos mahuli sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga awtoridad pasado alas-8:15 ng gabi, Setyembre 11, 2025 sa Purok Bagong Pag-Asa, Barangay General Paulino Santos, Koronadal City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Ariel Sobremisana Barrios, 42 anyos, may asawa, construction worker at residente ng Purok YBL, Barangay Sto. Niño; at John Mark Robles Maravilloso, 29 anyos, residente ng Purok Upper Supon, Barangay San Jose ng nasabing lungsod.
Nasamsam mula sa kanila ang isang pakete ng hinihinalang shabu, dalawang medium-size sachet ng hinihinalang shabu, at isang ₱500 marked money na may serial number FD912749.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Koronadal City Police Station ang mga ito habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.