KORONADAL CITY – Nahaharap sa kaso ang isang lalaki matapos isangla ang kotse ng isang pulis na hiniram lamang nito sa Koronadal City, South Cotabato.
Ayon sa Koronadal City Police Station, hindi na naibalik ng suspek na kinilalang si alyas “Neil,” 28-anyos, taga-Barangay Topland, ang Toyota Vios na kulay metallic green na ipinahiram sa kanya ng isang miyembro ng PNP na residente ng lungsod.
Hiniram umano ng suspek ang sasakyan noong Agosto 6, 2025 at nangakong ibabalik ito matapos ang limang araw, subalit hindi na niya ito naisauli. Sa halip, isinangla umano ito ng suspek sa halagang ₱110,000 kay alyas “Hema.”
Nabawi ng mga pulis ang sasakyan sa isang kainan sa Barangay Zone 4, Koronadal City.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at sasampahan ng kaukulang kaso.