Pormal nang sinampahan ng labing-isang kaso sa korte si Jorgeto Corpuz Santisas alyas Datu Adlaw, Bae Lourdes Latraca Infante, Jhavie Latraca Infante at iba pang mga kasapi ng Federal Tribal Group of the Philippines dahil sa umano’y panggugulo sa Surigao City.
Ang isinampang kaso sa mga ito ay kinabibilangan ng Malicious Mischief, Alarm and Scandal, Grave Coercion, Usurpation of Authority, Violation of Comelec Resolution No. 11607, Physical Injury, Serious Illegal Detention, Grave Threats, Cyberlibel, Multiple Violations of Cybercrime Law at Other related crimes.
Ito ay sa kabila nang panawagan at paghingi ng tulong ni Datu Adlaw kay Presidente Ferdinand Marcos Jr matapos na inaresto ng mga otoridad ang kanilang mga kasamahan.
Una rito, sinabi naman ni Lt. Col. Mariano Lukban, acting chief of police chief ng Surigao City, 40 mga kasapi ng nabanggit na grupo ang mahaharap sa kaso dahil sa pang-gugulo at pag-padlock ng mga establisemento sa Surigao City noong Biyernes, Enero 24, kung saan inaako ng mga ito ang lupang kinatitirikan ng gusali bilang bahagi umano ng ancestral land.
Ngunit, mahigpit naman na pinasinungalingan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Caraga dahil illegal umano ang grupo ni Datu Adlaw at hindi rehistrado bilang Indigenous People (IP) organization.
Ang grupo umano ni Datu Adlaw ang hayagang lumabag sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) of 1997.
Dahil sa pangyayari, ipinag-utos ni Surigao del Norte Police Provincial Office Director Police Colonel Warren Dablo na imbestigahan ang nasabing grupo dahil sa pagdadala ng mga matatalim na itak at pananakot sa publiko.
Umapela din ang mga ito sa mga residente sa lugar na maging vigilante at isumpong sa pulisya sakaling maka-encounter ang mga ito ng mga myembro ng grupo.