-- ADVERTISEMENT --

Anim ang nasawi, tatlo ang nawawala, habang apat ang nailigtas matapos tumaob ang isang motorbanca sa Lake Mapanuepe sa San Marcelino, Zambales nitong Huwebes.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), 13 miyembro ng Aeta Community ang sakay ng motorbanca nang mangyari ang insidente bandang alas-2 ng hapon malapit sa Sunken Church sa Barangay Buhawen.

Pupunta sana ang mga pasahero upang tumanggap ng pagkain at gamot at makilahok sa vaccination program ng health center nang makaranas umano ng malakas na hangin at malalaking alon ang kanilang sinasakyang motorbanca.

Patuloy ngayong Biyernes ang search and rescue operation ng PCG para mahanap ang tatlong nawawalang pasahero.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng San Marcelino sa mga pamilyang nawalan ng kanilang mga mahal sa buhay.