Mula Enero 1 hanggang Mayo 15, 2026, iniulat ng Philippine National Police na umabot sa 32 indibidwal ang naaresto kaugnay ng mga kasong online libel, kasabay ng kabuuang 276 na reklamong isinampa sa ilalim ng cybercrime laws.
Ayon sa datos ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP, ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, na nagtatakda ng mas mabigat na parusa kumpara sa tradisyunal na libel sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ipinaliwanag ng PNP na ang online libel ay tumutukoy sa malisyosong pagpapakalat ng akusasyon o pahayag na maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao gamit ang internet o iba pang digital platforms.
Isinagawa ang mga operasyon at pag-aresto sa tulong ng PNP-ACG kasama ang mga regional, provincial, city, at district cyber response units sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na bagama’t mahalaga ang social media bilang instrumento ng komunikasyon, kaakibat nito ang responsibilidad ng bawat gumagamit na sumunod sa batas.
Giit niya, mananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng batas ng kapulisan habang tinitiyak din ang paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal sa ilalim ng umiiral na legal na proseso.












