-- ADVERTISEMENT --

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang dalawang mag-aaral na may edad 14 at 15 matapos ang malagim na pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose na ikinasawi ng tatlong kapwa estudyante at ikinasugat ng 13 iba pa, na nagbunsod din ng malalimang imbestigasyon sa pinagmulan ng mga armas ng mga menor de edad.

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson P/Col. Allen Rae Co na matagumpay na na-trace ang mga sandatang ginamit sa krimen kung saan ang unang armas na isang 9mm Glock pistol ay rehistrado sa isang aktibong policewoman ng Police Regional Office 8 (PRO-8) na tiyahin ng 14-anyos na suspek.

Samantala, ang ikalawang armas na isang .38 caliber revolver ay naberipikang nagmula sa isang pribadong security agency na nakabase sa Cebu City habang hindi bababa sa 40 pirasong basyo ng bala ang narekober ng mga investigator sa lugar ng insidente.

Ang unang salarin ay agad na nahuli sa loob mismo ng eskwelahan habang ang kanyang kasabwat ay sumuko matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad.

Bagamat pambubully ang tinitignang paunang motibo ng Tacloban City Police Office, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa iba pang mga anggulo habang nananatiling suspendido ang klase sa San Jose National High School, San Jose Central School, at Manlurip Elementary School upang bigyang-daan ang pagbibigay ng psychosocial support ng Department of Education (DepEd) Regional Office VIII sa mga na-traumang guro at mag-aaral.