Naipasa na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10858, na naglalaman ng panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027.
Naganap ang botohan 62 araw matapos matanggap ng Kamara ang executive spending plan mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa botohan, 281 mambabatas ang bumoto pabor sa panukala, 13 ang tumutol, habang isa naman ang nag-abstain.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, tiniyak ng Kamara ang pagtupad sa kanilang pangako sa mamamayang Pilipino na magamit nang wasto ang bawat sentimo ng buwis at iba pang kita ng pamahalaan.
Matapos ang pag-apruba sa Kamara, isusumite ang panukalang badyet sa Senado para sa hiwalay na pagsusuri at deliberasyon.
Inaasahang magsasagawa rin ng bicameral conference committee ang dalawang kapulungan ng Kongreso upang pag-isahin ang anumang pagkakaiba sa kani-kanilang bersiyon ng panukalang badyet bago ito isumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pinal na pag-apruba.













