-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ni Senator-judge Panfilo Lacson kay Senator-judge Robin Padilla na linawin kung sino ang inaakusahan nitong hindi sumusunod sa batas sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pahayag nitong Lunes, Oktubre 12, sinabi ni Lacson na kung ang buong Senate impeachment court ang tinutukoy ni Padilla sa kaniyang pahayag na may “disregard for law,” maaari itong ituring na pag-atake sa integridad ng lahat ng miyembro ng lupon.

Kung piling senador lamang naman ang pinatutungkulan, iginiit ni Lacson na dapat tukuyin ni Padilla kung sino ang mga ito upang maging malinaw ang kaniyang alegasyon.

Sa isang panayam sa radyo nitong Linggo, nagpahiwatig si Padilla na posibleng hindi na dumalo sa mga susunod na pagdinig ang kaniyang grupo at mga kaalyado kung magpapatuloy umano ang pagbalewala sa batas sa proseso ng impeachment.

Samantala, naghain sina Padilla, Senator Christopher “Bong” Go at ang PDP-Laban ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang naging pasya ng Senate impeachment court tungkol sa kinakailangang voting threshold sa paglilitis.