Malabo nang maabot ang ₱20 kada kilo na presyo ng bigas na ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon, transportasyon at langis.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kakailanganin ng subsidiya ng gobyerno para maibenta ang bigas sa naturang presyo. Aniya, mula ₱700 kada sako noong 2022, umabot na sa halos ₱2,600 ang presyo ng urea.
Batay sa DA, nasa ₱44.94 kada kilo ang regular-milled rice, ₱47.73 ang well-milled at ₱52.76 ang premium rice mula Agosto 24 hanggang 30.
Sa halip, ipinapatupad ng administrasyon ang subsidiadong “Benteng Bigas, Meron Na!” sa mga Kadiwa outlet, na nakinabang na umano ang mahigit 12 milyong Pilipino.
Bagama’t sinabi ng DA na sapat ang suplay ng bigas, maaaring bumaba ng 700,000 metric tons ang lokal na produksyon dahil sa El Niño. Dahil dito, posibleng muling mag-import ang pamahalaan matapos ang harvest season upang matiyak ang suplay.













