-- ADVERTISEMENT --

Target ng Department of Agriculture (DA) na makalikom ng mahigit ₱10 bilyong karagdagang kita ang pamahalaan sa panukalang pagtataas ng taripa sa imported pork, na gagamitin umano upang palakasin at gawing moderno ang livestock, poultry at dairy industries sa bansa.

Ayon sa DA, makatutulong ang inaasahang kita sa pagpopondo sa ₱20-bilyong taunang Animal Competitiveness Enhancement Fund, na naglalayong paunlarin ang lokal na industriya ng paghahayupan at pataasin ang kakayahan nitong makipagsabayan sa mga imported na produkto.

Kabilang sa mga planong suportahan ng pondo ang pagpaparami ng baboy, pagpapahusay ng biosecurity measures at pagpapataas ng produksyon ng mga lokal na hog raiser.

Gayunman, nagpahayag ng pangamba ang Meat Importers and Traders Association (MITA) sa posibleng epekto ng panukalang ito sa presyo ng mga produktong karne at iba pang pagkain.

Ayon sa grupo, maaaring tumaas ang presyo ng pork, mga de-latang produkto at pagkaing inihahain sa mga restaurant kapag nadagdagan ang taripa sa imported pork, na posibleng magpabigat sa gastusin ng mga mamimili at negosyo.

Bilang alternatibo, iminungkahi ng MITA na palawigin lampas 2028 ang umiiral na mas mababang taripa sa imported pork upang makatulong na mapanatili ang katatagan ng presyo at suplay sa merkado.

Nananatiling hamon para sa pamahalaan ang pagbabalanse sa layuning palakasin ang lokal na produksyon ng baboy at ang pangangailangang mapanatiling abot-kaya ang karne para sa mga mamimili.