-- ADVERTISEMENT --

Sumailalim sa paunang pagsusuri ng Office of the Ombudsman ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte upang matukoy kung may sapat na batayan para sa mas malalim na imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa deklarasyon ng kanyang mga ari-arian.

Kinumpirma ng Ombudsman nitong Huwebes na natanggap na nito mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga dokumentong may kaugnayan sa usapin. Layunin ng pagsusuri na matukoy ang nararapat na hakbang alinsunod sa umiiral na batas at mga proseso.

Tiniyak din ng tanggapan na hahawakan nito ang kaso nang masusi at malaya, nang walang impluwensiyang politikal.

Nauna nang naglabas ang NBI ng mga larawan at video ng mga ari-ariang umano’y may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang pamilya. Kabilang sa mga iniulat na natuklasan ang mga lupang nakadeklarang agricultural land ngunit mayroon umanong mga mansyon, swimming pool at helipad.

Gayunman, itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon at ang pagmamay-ari sa mga ari-ariang iniimbestigahan ng NBI.

Sa ngayon, nakasalalay sa resulta ng paunang pagsusuri ng Ombudsman kung magkakaroon ng karagdagang imbestigasyon kaugnay ng mga inihaing dokumento at alegasyon.