-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na lumalalim na ang krisis sa kalusugan at imprastraktura sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East, halos dalawang buwan mula nang sumiklab ang digmaan.

Bagama’t umiiral ang isang 14-day ceasefire, nananatiling marupok ang tigil-putukan habang nagpapatuloy ang matinding labanan sa Lebanon. Kasabay nito ang malawakang displacement at paggalaw ng populasyon, kabilang ang pag-uwi ng mga Iranian nationals sa pamamagitan ng Türkiye at paglikas ng mga Lebanese papuntang Syria.

Ayon sa ulat, ang krisis ay hindi na lamang usapin ng presyo ng langis kundi lumawak na sa pagkagambala ng mga mahahalagang sistema. Ang fuel price shock ay nagdulot ng operational disruptions na nakaapekto sa mga health system at nag-trigger ng energy emergencies sa ilang bansa, kabilang ang Cuba.

Pinakamatindi ang sitwasyon sa Gaza Strip, kung saan lubhang naapektuhan ang healthcare delivery pati na ang water, sanitation, and hygiene (WASH) services. Nagbabala rin ang WHO sa mga systemic risks tulad ng pagkasira ng cold chain para sa bakuna at pagkaantala sa suplay ng mga kritikal na gamot.

Dagdag pa rito, tumitindi ang banta ng environmental at industrial hazards dahil sa pag-atake sa mahahalagang imprastraktura gaya ng water desalination plants at fuel facilities—mga serbisyong kritikal sa kaligtasan at kalusugan ng populasyon.

Itinuturing ng WHO na prayoridad ang Lebanon at ang Iran dahil sa lawak ng displacement at sa tumataas na panganib ng trauma, pagkalat ng mga nakahahawang sakit, at exposure sa radiological at chemical hazards.