-- ADVERTISEMENT --

Walang ipatutupad na pangkalahatang pagsasara ng mga kalsada sa Metro Manila sa panahon ng ASEAN Summit sa Nobyembre 15 hanggang 18, sa kabila ng inaasahang pagdating ng mahigit 20 heads of state.

Ayon kay Atty. Victor Nuñez, direktor ng Manila Traffic Enforcement Group, pagtutuunan ng mga awtoridad ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga delegado at opisyal na dadalo sa summit.

Sa halip na general road closures, magpapatupad lamang ng security exclusion zones sa loob ng perimeter ng Philippine International Convention Center (PICC), kung saan magiging mahigpit ang seguridad.

Mula Nobyembre 9 hanggang 18, tanging mga delegado at opisyal ng pamahalaan na may kaukulang ASEAN sticker ang papayagang makapasok sa nasabing security zones.

Pinayuhan din ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang posibleng pagsisikip ng trapiko. Para sa northbound vehicles, maaaring dumaan sa Seaside Boulevard, kumanan sa Macapagal Boulevard, muling kumanan sa EDSA at kumaliwa sa Roxas Boulevard.

Para naman sa southbound vehicles, maaaring magmula sa Roxas Boulevard, kumanan sa EDSA patungo sa Diokno o Macapagal Boulevard.

Humingi rin ng pang-unawa at pasensya ang mga awtoridad sa publiko at ipinaalala na isang pambihirang oportunidad at malaking responsibilidad para sa Pilipinas ang pagho-host ng ASEAN Summit.