Tiniyak ng Malacañang na hindi magiging hadlang ang mga naging pahayag ng China laban sa Pilipinas sa pagdalo ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa nakatakdang summit sa bansa ngayong Nobyembre.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga bansang kasapi ng ASEAN at iba pang posibleng kalahok upang matiyak ang pagdalo ng kanilang mga kinatawan.
Naniniwala rin si Castro na nauunawaan ng mga lider sa rehiyon ang pagsisikap ng Pilipinas na mapanatili ang maayos na ugnayang diplomatiko sa lahat ng bansang kalahok.
Kaugnay nito, nagpahayag din ang Malacañang ng pag-asang dadalo sa summit si Chinese President Xi Jinping upang magkaroon ng pagkakataong mapag-usapan ang mga usaping kinakaharap ng rehiyon.
Binigyang-diin ni Castro na mahalagang magsilbing pagkakataon ang naturang pagtitipon para sa dayalogo at paghahanap ng mga posibleng solusyon sa mga isyung nakaaapekto sa mga bansa sa Southeast Asia.
Matatandaang inakusahan ni Zhang Xiaogang, tagapagsalita ng Chinese Ministry of National Defense, ang Pilipinas ng umano’y pagsira sa diwa ng pagiging bukas ng ASEAN at paglabag sa lehitimong karapatan ng China bilang dialogue partner.
Nag-ugat ang naturang pahayag sa naging insidente sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus), kung saan personal na sinalubong ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga dumating na opisyal at kinatawan mula sa iba’t ibang bansa, maliban sa Chinese defense attaché na si Senior Captain Yang Lei.













