Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na walang direktang epekto sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang hiwalay na kasong grave threats na kinahaharap niya sa Quezon City Regional Trial Court.
Ayon kay Gatchalian, magkahiwalay ang criminal case sa RTC at ang impeachment proceedings sa Senado bilang Impeachment Court. Ang pagkakaroon ng probable cause sa criminal case ay hindi rin nangangahulugang napatunayang guilty na ang bise presidente.
Sinabi ni Gatchalian na kailangan pa ring dinggin ang depensa ni Duterte at suriin ng mga senador ang mga ebidensiyang ilalahad bago sila makapagpasya sa impeachment case.
Noong Setyembre 4, naglabas ng arrest warrant ang Quezon City court matapos makitang may probable cause laban kay Duterte sa tatlong bilang ng grave threats. Nagpiyansa naman ang bise presidente ng P360,000 noong Setyembre 5.
Ang kaso ay nag-ugat sa mga pahayag ni Duterte noong 2024 tungkol sa umano’y pagkuha niya ng isang tao upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Kaugnay nito, hinimok ni Gatchalian ang mga awtoridad na seryosohin at imbestigahan ang mga pahayag ni Duterte na nangangamba siya para sa kanyang buhay.
Binigyang-diin ng Senate President na karapatan ng bawat isa, kabilang ang bise presidente, na makaramdam ng seguridad habang isinasagawa ang mga kaukulang proseso sa ilalim ng batas.













