Umalma si dating senador Antonio Trillanes IV sa pahayag na wala pang senador na naaresto sa loob ng Senado, kasunod ng lumabas na usapin hinggil sa tangkang pag-aresto kay Ronald Dela Rosa.
Sa panayam ng media sa Senado, mariing pinabulaanan ni Trillanes ang naturang pahayag at iginiit na may mga naunang insidente na ng pag-aresto sa loob mismo ng Mataas na Kapulungan. Tinawag pa niyang “kasinungalingan” ang sinasabing walang naging ganitong kaso noon.
Binalikan din ng dating senador ang kanyang karanasan noong 2018 kung saan isinilbi sa kanya ang arrest warrant habang nagpapatuloy ang sesyon ng Senado. Ipinakita rin niya ang video ng aktuwal na pagbasa sa kanya ng Miranda rights at pagsisilbi ng warrant sa loob ng Senado premises.
Matatandaang inilagay noon si Trillanes sa protective custody ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni dating Senate President Vicente Sotto III matapos siyang maharap sa kasong rebellion. Kaugnay ito ng pagbawi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa amnesty na ipinagkaloob sa kanya.
Nanatili noon si Trillanes sa kustodiya ng Senado bago siya nakapagpiyansa. Kalaunan, noong 2024, nagdesisyon ang Supreme Court of the Philippines na labag sa batas ang naging pag-withdraw ng amnesty sa dating senador.
Samantala, binanggit din ni Trillanes ang naging pag-aresto noon kay Leila de Lima habang nasa loob ng Senado kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa illegal drug trade. Isinilbi ang arrest warrant sa tulong ng Philippine National Police at ng Senate Sergeant-at-Arms.
Bagamat sumuko si De Lima sa mga awtoridad, mariin niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kanya. Kamakailan lamang ay tuluyan na rin siyang napawalang-sala sa lahat ng drug-related cases na isinampa laban sa kanya.













