Nagbabala ang Office of the Ombudsman sa mga opisyal at kawani ng gobyerno laban sa paggamit ng gasolina at iba pang resources ng pamahalaan para sa pribadong sasakyan o personal na gawain.
Kasunod ito ng kaso ni dating Bohol 2nd District Provincial Board Member Vierna Mae Boniel-Maglasang, na sinibak sa serbisyo at idineklarang disqualified sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno matapos umanong gamitin ang 100 litro ng government-allocated gasoline para sa mga pribadong sasakyan noong 2024.
Ayon sa Ombudsman, maaaring humarap sa pinakamabigat na parusa sa ilalim ng batas ang mga opisyal na mapatunayang gumagawa ng kaparehong paglabag.
Binigyang-diin ng ahensya na ang gasolina, pondo, kagamitan at iba pang resources ng pamahalaan ay dapat gamitin lamang para sa lehitimong opisyal na tungkulin at hindi para sa pansariling pakinabang.













