Handang dumalo si dating Senador Antonio Trillanes IV sa anumang pagdinig ng Senado kaugnay ng umano’y tangkang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa noong Mayo 11.
Ayon kay Trillanes, wala siyang pangamba sakaling imbitahan siya ni Senador Rodante Marcoleta upang magbigay ng pahayag sa isinasagawang pagtalakay sa naturang isyu.
Iginiit ng dating senador na wala siyang itinatago at handa niyang ipaliwanag ang kanyang naging presensya sa Senado, kabilang ang pagkakaroon niya ng kopya ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Paliwanag ni Trillanes, nag-ugat ang kanyang pagkilos sa naunang hamon umano ni Dela Rosa na siya mismo ang magsagawa ng pag-aresto kung may umiiral na warrant laban sa senador.
Inihayag din ni Trillanes na nakatanggap siya ng impormasyon hinggil sa posibleng kinaroroonan ni Dela Rosa, ngunit sinabi niyang kinakailangan pa itong beripikahin bago niya ito kumpirmahin.
Matatandaang naging sentro ng usapin si Dela Rosa matapos lumabas ang warrant of arrest mula sa ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.













