Itinutulak ni Senate President Sherwin Gatchalian ang agarang pagsasabatas ng panukalang magbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na makakuha ng mga kontrata mula sa pamahalaan.
Layunin ng Senate Bill No. 1962 o Government Contracting and Procurement Integrity Act na maiwasan ang paggamit ng kapangyarihan at impluwensiya upang mabigyan ng espesyal na pribilehiyo ang mga kamag-anak ng mga opisyal sa mga transaksiyon ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, bawal makakuha ng government contracts ang mga kamag-anak ng mga saklaw na opisyal hanggang fourth civil degree of consanguinity or affinity. Kabilang dito ang mga magulang, anak, kapatid, lolo at lola, apo, tiyuhin, tiyahin, pamangkin at first cousins, gayundin ang kanilang katumbas na kamag-anak sa pamamagitan ng kasal.
Saklaw ng panukala ang mga kontrata sa pagbili ng produkto at serbisyo, infrastructure projects at iba pang kasunduang pinopondohan ng pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang mapangalagaan ang pondo ng bayan at matiyak na napupunta ang mga oportunidad sa patas na proseso sa halip na makinabang ang mga kamag-anak ng mga nasa kapangyarihan.
Matatandaang inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala noong Setyembre 2, 2026, sa botong 15-0. Gayunman, kailangan pa nitong dumaan sa mga susunod na hakbang sa proseso ng pagsasabatas bago tuluyang maging batas.










