Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Miyerkules ng madaling araw ang Super Typhoon Bavi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Kapag nasa loob na ito ng PAR, tatawagin na ang bagyo bilang Inday.
Sa tala ng PAGASA alas-5:00 ng umaga nitong Lunes, nasa layong 2,355 kilometro silangan ng Southern Luzon ang sentro ng bagyo. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 215 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 265 kilometro kada oras habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Bagama’t nananatili pa sa labas ng PAR ang Super Typhoon Bavi, patuloy itong mahigpit na binabantayan ng state weather bureau dahil sa inaasahang paglapit nito sa bansa sa mga susunod na araw.
Samantala, sinabi ng PAGASA na ang ridge ng high pressure area ang nakaaapekto sa pinakahilagang bahagi ng Luzon, dahilan upang manaig ang karamihang maaliwalas at tuyong panahon sa malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes.
Gayunman, posible pa ring makaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers at thunderstorms sa Metro Manila at iba pang lugar dahil sa localized thunderstorms na dulot ng matinding init ng panahon.
Nagpaalala rin ang PAGASA sa publiko na maging alerto sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na maaaring tamaan ng malalakas na thunderstorm.













