-- ADVERTISEMENT --

Nangako si Bong Go na magiging patas at walang kinikilingan sa kanyang papel bilang senator-judge sa impeachment case laban kay Sara Duterte.

Ito ay matapos manumpa si Go kasama ang 22 iba pang senador at pormal na ma-convene ang Senado bilang Impeachment Court noong Mayo 18, 2026.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Go na mahalagang manaig ang katotohanan sa buong proseso.

“Magiging impartial po ako ngunit dapat lumabas po ’yong katotohanan… ang truth ang importante dito.”

Sinabi rin ng senador na nais niyang malinawan ang publiko sa mga alegasyong lumabas sa deliberasyon ng Kamara kaugnay ng articles of impeachment laban sa Bise Presidente. Ayon sa kanya, handa siyang kwestyunin ang anumang maling impormasyon na maaaring iharap sa paglilitis.

Dagdag pa ni Go, mahalaga ang impeachment proceedings upang magkaroon siya ng pagkakataong makapagtanong at makapagpasya batay sa mga ebidensya at testimonya na ilalahad sa korte.

Samantala, nagpalabas na ang Senado ng writ of summons laban kay VP Sara Duterte, na nagbibigay sa kanya ng 10 araw mula sa pagtanggap ng kautusan upang magsumite ng opisyal na tugon. Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng Bise Presidente hinggil sa usapin.