-- ADVERTISEMENT --

Nagtipon ang libo-libong mag-aaral sa Indonesia upang kondenahin ang umano’y hindi sapat na pagtugon ng pamahalaan sa lumalalang haze crisis na dulot ng mga forest fire, na nakaapekto rin sa kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Southeast Asia.

Noong Biyernes, mahigit 500 demonstrador ang nagprotesta sa labas ng Central Kalimantan Governor’s Office sa Palangka Raya, dala ang panawagang agarang solusyon sa makapal na usok na nararanasan mula pa noong Hulyo at Agosto.

Nanawagan din ang mga nagprotesta kay Indonesian President Prabowo Subianto na magdeklara ng national emergency at magpatupad ng mas mahigpit na hakbang laban sa mga gawaing pang-agrikultura na iniuugnay sa pagsiklab ng mga sunog sa kagubatan.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang isla ng Borneo, kung saan kumakalat ang mga forest fire tuwing tagtuyot. Gayunman, iniulat na mas malala ngayong taon ang sitwasyon kumpara sa mga nakaraang taon.

Ayon sa Ministry of Health ng Indonesia, mahigit 333,470 residente sa pitong probinsya ang naitalang nagkaroon ng acute respiratory illnesses na may kaugnayan sa haze. Bukod sa Indonesia, naapektuhan din ng usok ang kalidad ng hangin sa Singapore, Malaysia, at iba pang bahagi ng Timog-Silangang Asya.

Patuloy na nananawagan ang mga residente at demonstrador para sa mas epektibong pagkontrol sa sunog at mga hakbang na magpoprotekta sa kalusugan ng publiko.