Nagpapakita ng kahandaan ang messaging platform na Discord na magtalaga ng lokal na kinatawan o local law firm sa Pilipinas upang matugunan ang mga regulasyon ng bansa, ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Napag-usapan ang naturang hakbang sa pagpupulong na pinangunahan ni CICC Director Usec. Aboy Paraiso kasama si Discord Senior Policy Advisor for Asia-Pacific Vasundhara Singh.
Layunin ng pakikipag-ugnayan na mapalakas ang kooperasyon ng Discord at ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga bata sa internet at paglikha ng mas ligtas na digital environment.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng naturang hakbang sa gitna ng mga banta na may kaugnayan sa online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) at nihilistic violence extremism (NVE).
Samantala, hiniling ng Discord sa CICC na linawin kung sapat na ang pagkakaroon ng lokal na kinatawan o kung kinakailangan ding magtayo ng pisikal na opisina sa Pilipinas upang makapagpatuloy sa operasyon nito sa bansa.
Ayon kay Paraiso, mahalagang magkaroon ang itatalagang kinatawan ng sapat na awtoridad upang tumugon at umaksyon sa mga isyung may kaugnayan sa operasyon ng platform, sa halip na magsilbi lamang bilang contact person ng pamahalaan.











