Nabigo si Filipina tennis star Alex Eala na makapasok sa quarterfinals ng WTA 500 Ningbo Open matapos matalo sa Russian star na si Diana Shnaider sa Round of 16 nitong Oktubre 22, 2026.
Naging dikdikan ang kanilang unang paghaharap, partikular sa unang set kung saan kapwa nagpakita ng matatag na laro ang dalawang manlalaro. Gayunman, nakakuha ng momentum si Shnaider sa mga huling puntos upang maiuwi ang set, 7-5.
Uminit pa ang bakbakan sa ikalawang set matapos ang sunod-sunod na service breaks. Nakalamang si Eala, 4-3, ngunit nakabawi si Shnaider at nakakuha ng ilang pagkakataong tapusin ang laban.
Sa kabila nito, hindi sumuko ang Pinay star at naisalba ang pitong match points. Gayunman, tuluyang sinelyuhan ni Shnaider ang panalo, 6-4, upang makausad sa quarterfinals.
Dahil sa resulta, nagtapos na ang kampanya ni Eala sa Ningbo Open. Susunod siyang nakatakdang lumahok sa Toray Pan Pacific Open sa Tokyo, Japan, mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 1, kung saan muli niyang susubukang makipagsabayan sa mga nangungunang manlalaro ng women’s tennis.













