Kasabay ng paggunita sa ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, muling isinulong ni Senator Robin Padilla ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 617 o ang panukalang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act.
Ayon kay Padilla, lalo pang pinagtibay ng kamakailang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ang kahalagahan ng paghahanda ng mamamayan sa harap ng mga sakuna at iba pang pambansang hamon. Aniya, kailangan ng bansa ng mga kabataang may sapat na kaalaman at kasanayan upang makatugon sa panahon ng krisis.
Ipinaliwanag ng senador na layunin ng panukala na hindi lamang palakasin ang disiplina at pagmamahal sa bayan ng mga kabataan kundi ihanda rin sila sa mga sitwasyong nangangailangan ng mabilis at organisadong pagtugon.
Binigyang-diin niya na ang konsepto ng pambansang seguridad ay hindi dapat limitado sa mga panlabas na banta, kundi kabilang din ang kahandaan ng mamamayan sa mga kalamidad at humanitarian emergencies.
Sa ilalim ng panukala, palalakasin at gagawing institusyonal ang ROTC program sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at Technical-Vocational Institutions (TVIs) sa buong bansa. Kabilang sa mga pagsasanay na isinusulong nito ang disaster response, search-and-rescue operations, relief missions, survival skills, at iba pang kakayahang mahalaga sa panahon ng sakuna.
Para kay Padilla, ang ROTC ay higit pa sa isang military training program. Aniya, isa itong mekanismo upang makabuo ng mga responsableng mamamayan na handang maglingkod at tumulong sa kapwa sa oras ng pangangailangan.













