Nahuli ng Philippine National Police (PNP) ang 13 indibidwal sa isinagawang operasyon laban sa isang POGO-related establishment sa Iligan City.
Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data na inilabas ng korte sa nasabing lungsod.
Kabilang sa mga naaresto ang dalawang studio managers at 11 babaeng nagsisilbing online demonstration dealers sa naturang establisyamento.
Nasamsam naman ng mga operatiba mula sa apat na silid ang iba’t ibang kagamitan na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon, kabilang ang computer processing units, monitors, cameras, recording devices, tablets, card scanners, gaming tables, card decks at lighting equipment.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang 13 suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang may-ari ng establisyamento na nananatiling at-large.












