-- ADVERTISEMENT --

Nanganganib na masuspinde o tuluyang makansela ang prangkisa ng walong bus company na bumibiyahe patungong Bicol Region matapos silang masangkot sa iligal na pagtataas ng pamasahe sa gitna ng dagsa ng pasahero ngayong Semana Santa at patuloy na pagmahal ng langis.

Sa isang press conference, kinumpirma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maglalabas sila ng show-cause orders laban sa mga inirereklamong operator. Ayon kay Greg Pua, hindi palalampasin ng ahensya ang ganitong uri ng paglabag dahil malinaw itong ipinagbabawal ng pamahalaan.

Nauna nang natukoy ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX ang umano’y unauthorized fare hikes ng walong kumpanya noong nakaraang weekend, kasabay ng pagdami ng mga biyahero.

Sa kasalukuyan, patuloy pang sinusuri ng LTFRB ang iba pang ulat ng kaparehong paglabag, at hinihikayat ang publiko na agad magsumbong kung makaranas ng pananamantala sa pamasahe.

Nagbabala rin ang ahensya sa mga operator na huwag abusuhin ang sitwasyon, lalo na’t maraming Pilipino ang bumibiyahe pauwi sa kanilang mga probinsya upang gunitain ang Mahal na Araw.