Posibleng magsagawa ng regular press briefings ang House prosecution panel oras na umusad ang impeachment trial laban kay Sara Duterte, bilang bahagi ng mas pinaigting na information campaign para sa publiko.
Ayon kay panel spokesperson na si Zia Alonto Adiong, pinag-aaralan na ng mga prosecutor ang magiging setup ng naturang briefings upang mas malinaw na maipaliwanag sa taumbayan ang mga kaganapan at legal na proseso sa paglilitis.
Sinabi ng panel na mahalagang mapanatiling tama at malinaw ang daloy ng impormasyon, lalo na’t inaasahang hahaba ang impeachment proceedings at magiging sentro ito ng matinding public attention.
Bukod sa pagbibigay-update sa media, nais din umano ng prosecution panel na magkaroon ng direktang linya sa publiko upang agad na matugunan ang mga tanong at maiwasan ang pagkalito sa mga isyung legal na may kaugnayan sa kaso.
Pinaplantsa pa sa ngayon ang eksaktong format ng mga briefing, kabilang ang dalas ng pagsasagawa nito at mga impormasyong regular na ilalabas tulad ng case developments, proseso ng trial, projections, at iba pang mahahalagang detalye.
Ayon sa panel, layunin din ng regular na impormasyon dissemination na mapanatili ang interes at partisipasyon ng publiko habang nagpapatuloy ang impeachment trial.













