Nahaharap sa reklamong plunder, graft, at indirect bribery sa Office of the Ombudsman si Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.
Batay sa impormasyon, inirekomenda umano ng Field Investigation Office (FIO) ng Ombudsman noong Abril 16 ang pagsasampa ng kaso laban kay Escudero matapos siyang maiugnay sa sinasabing kickback operations sa ilang proyekto ng flood control sa Metro Manila, Visayas, at ilang bahagi ng Luzon.
Nakasentro ang reklamo sa testimonya ni dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, na nagsabing may umano’y delivery ng pera na isinagawa sa pamamagitan ni Maynard Ngu, na itinurong tagapamagitan o “bagman” ng senador.
Ayon sa mga dokumentong nakalap, kabilang umano sa mga transaksyon ang P306 milyon at dalawa pang hiwalay na halaga na P160 milyon at P120 milyon na sinasabing nagmula sa kickbacks ng mga proyekto.
Mariing pinabulaanan ni Escudero ang lahat ng alegasyon. Giit niya, wala siyang anumang kaugnayan kay Ngu bilang kinatawan o emissary, at wala umanong konkretong ebidensya na magpapatunay na tumanggap siya ng pera.
Sinabi rin ng senador na nakabatay lamang umano ang reklamo sa testimonya ng isang tao at hindi sa aktuwal na dokumentaryo o pisikal na ebidensya. Tinukoy din niya ang umano’y magkakaibang bersyon ng mga salaysay ni Bernardo sa mga affidavit at pagdinig.
Bukod dito, hiniling ni Escudero sa Ombudsman na huwag pagkalooban ng immunity si Bernardo at iba pang sangkot, dahil ayon sa kanya, ang mga ito umano ang may pangunahing pananagutan sa isyu.
Sa ngayon, inaasahang pagdedesisyunan ng Ombudsman kung may sapat na basehan upang ihain ang kaso sa Sandiganbayan laban sa senador.













