-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagpatay sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, habang sinusuri ang lahat ng posibleng motibo sa likod ng krimen.

Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Allan Rae Co, kabilang sa mga tinitingnang anggulo ng mga imbestigador ang pagiging content creator ni Lipata, kanyang mga aktibidad, political leanings, negosyo, at maging ang kanyang personal na buhay.

Binigyang-diin ni Co na wala pang isinasantabing anumang posibilidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mga responsable sa pamamaril.

Bilang bahagi ng imbestigasyon, bumuo na ang Northern Police District (NPD) ng Special Investigation Task Group (SITG) “MIMA” na mangunguna sa pagtugis sa mga suspek at paglutas sa kaso.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, kararating lamang nina Lipata at ng kanyang partner sa kanilang bahay sa Barangay 171, Caloocan City, madaling-araw ng Hulyo 17 nang lapitan sila ng dalawang armadong lalaking sakay ng motorsiklo. Binaril si Lipata nang malapitan habang bumababa ng sasakyan.

Idineklarang dead on arrival si Lipata, habang sugatan naman ang kanyang partner.

Tumanggi muna ang PNP na magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa progreso ng imbestigasyon upang hindi umano makompromiso ang operasyon laban sa mga suspek.