Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang dapat ikabahala sa pinaigting na police presence sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang paghahanda sa Parliamentary elections sa Setyembre 14.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng deployment na protektahan ang mga botante, election personnel at polling areas, at maiwasan ang anumang banta o insidente ng karahasan.
Umabot na sa 9,821 pulis ang itinalaga sa rehiyon, kabilang ang 856 checkpoints, at inaasahang madaragdagan pa ang mga ito habang papalapit ang halalan.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Armed Forces of the Philippines, Commission on Elections at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang ligtas at maayos na eleksyon.
Binigyang-diin ni Nartatez na hindi layunin ng mas mataas na police visibility na manakot, kundi tiyaking ligtas at malayang makaboboto ang mga residente. Hinikayat naman ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapatupad ng security measures.













