Hindi bababa sa pitong katao, kabilang ang tatlong bata at isang babae, ang nasawi sa airstrikes ng Jordan sa katimugang bahagi ng Syria bilang ganti sa nakamamatay na pag-atake sa isang simbahang Greek Orthodox sa Jordan.
Ayon sa Syrian Civil Defence, apat na lugar sa mga lalawigan ng Deraa at Suweyda ang tinamaan ng pambobomba.
Lima sa mga nasawi ang magkakapamilya na tinamaan habang nasa loob ng isang tolda sa Deraa. Kabilang sa kanila ang isang babae at tatlong bata. Dalawa pang lalaki ang nasawi sa magkakahiwalay na pag-atake.
Ayon sa militar ng Jordan, puntirya ng operasyon ang mga pinagtataguan ng mga armadong grupo sa timog-silangang bahagi ng Syria. Ito ay tugon umano sa pamamaril sa mga nakikiramay sa isang libing sa loob ng isang Greek Orthodox church sa Karak, Jordan, na ikinasawi ng siyam na katao at ikinasugat ng marami pa.
Gayunman, itinanggi ng pamahalaan ng Syria na nakipag-ugnayan ito sa Jordan bago isinagawa ang mga airstrike. Sinabi rin nitong iniimbestigahan na ang insidente.
Bilang kasunod na hakbang, isinara ng Syria ang Nassib border crossing, ang pangunahing tawiran ng mga pasahero at kargamento sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, nauna nang inaresto ng mga awtoridad ng Jordan ang tatlong suspek na umano’y sangkot sa pag-atake sa simbahan.












